Linggo, Disyembre 21, 2008

Banghay-Aralin, kailangan pa nga ba?

Ilang buwan pa lamang ang nakalilipas nang pag-usapan sa senado kung dapat pa nga bang gumawa ng banghay-aralin ang mga guro at hanggang ngayon ay tila wala pa ring nabubuong pagpapasya ukol dito.
Ang banghay-aralin ay isang plano ng mga aralin ng isang guro. Dito nakalagay kung ano ang magiging takbo ng talakayan sa araw-araw. Ito ay may tatlong uri: ang detalyadong banghay-aralin na mayroong gawain ng mga guro at mag-aaral, ang semi-detalyado na mayroong gawain ng guro at ang banghay-aralin na brif kung saan nakabuod na lamang ang bawat bahagi. Ang banghay-aralin ay binunuo ng limang mahahalagang bahagi: ang layunin, paksang-aralin, pamamaraan, evalwasyon at kasunduan. Ang mga layunin ay dapat na nakatuon sa tatlong aspeto: ang kognitibong layunin na sumusukat sa pag-iisip ng mag-aaral, ang apektibo para sa damdamin at saykomotor para sa pagsasagawa ng mga natutunan. Sa paksang-aralin naman nakalagay ang pamagat ng aralin na tatalakayin, ang mga sanggunian o referens at ang mga kagamitan upang higit na matuto ang mga mag-aaral. Ang pamamaraan ay naglalaman ng mga gagawin ng guro at ng kanyang mga estudyante mula sa panimulang gawain, motiveysyon, paglalahad ng aralin, malayang talakayan, paglalahat, paglalapat hanggang sa pagsasagawa at pangwakas na gawain. At upang masukat ang natutunan ng mga mag-aaral ay magbibigay ang guro ng evalwasyon na binubuo ng ilang mga tanong tungkol sa napag-aralan. Ang huling bahagi naman ay ang pagbibigay ng kasunduan o asaynment para sa susunod na aralin.
Ngayon, sa paglabas ng mga makabagong pamamaraan sa pagtuturo, hindi na kailangan pa ang paggawa ng banghay aralin ayon sa nakararami. Ngunit marami pa rin ang tutol dito sa dahilang mawawalan ng sistema ang pagtuturo ng mga guro.
Para sa akin, kailangan pa rin ang banghay-aralin dahil mas nagiging organisado ang pagtuturo kung meron nito. Ikaw, sang-ayon ka ba sa pag-alis sa banghay-aralin o hindi?

2 komento:

Unknown ayon kay ...

Magandang araw po. Gusto ko lang po ipagbigay alam sa inyo na nais ko po sana kumuha o kumopya ng ilang bahagi ng inyo pong gawa sa artikulong ito. Maraming salamat po at mabuhay po kayo.

Unknown ayon kay ...

Bilang isang guro pagdating ng panahon,mahalaga po ang banghay-aralin sapagkat dito nakatala ang pagkakasunod-sunod ng daloy ng dapat aralin ng mga guro sa mga studyante.Dahil kung walang banghay-aralin maaaring maging komplikado ang pagtuturo nito.
Iyon lamang po. Maraming salamat