Biyernes, Nobyembre 21, 2008

Banghay-Aralin:Bibliya ng mga Guro

Ang paggawa ng banghay-aralin ay isang napakahalagang bagay para sa isang guro dahil dito nakasalalay ang itatakbo ng kanyang pagtuturo sa mga mag-aaral. Ito ang kanyang maituturing na armas. Bilang paghahanda sa pagiging guro, kailangan malaman ng mga estudyanteng kumukuha ng edukasyon ang mga mahahalagang bahagi nito.
Ang banghay-aralin ay may tatlong uri: ang detalyadong banghay-aralin na mayroong mga gawain ng guro at mag-aaral, ang semi-detalyadong banghay-aralin na gawain ng guro lamang ang nakalagay at ang banghay-aralin na brif kung saan pabuod lamang ang pagkakalahad.Ang unang bahagi ng isang banghay-aralin ay ang mga layunin. Ito ay nahahati sa tatlo: una ay ang kognitibong layunin kung saan nasusukat ang utak ng isang mag-aaral,pangalawa ay ang apektibong layunin na sinusukat ang ating pagpapahalaga at ang pangatlo ay ang saykomotor na nauukol sa pagsasagawa ng mga natutunan.Ang layunin ay dapat na maging kongruwent sa gagawing evalwasyon. Pangalawang bahagi ay ang paksang-aralin, dito nakapaloob ang mga referens na ginamit ng guro,ang gagawing motiveysyon upang makuha ang interes ng mga mag-aaral, paglalahad ng aralin at malayang talakayan. Pang-apat ay ang evalwasyon kung saan may mga nakahandang pagsasanay ang guro para sa mga mag-aaral upang masukat ang kanilang nalalaman tungkol sa aralin pagkatapos ng talakayan. Ang panghuli ay ang kasunduan. Dito binibigyan ng guro ng mga tanong ang mga mag-aaral upang sila ay makapaghanda para sa susunod na aralin.
Kung walang banghay-aralin, hindi magiging maayos at epektibo ang pagtuturo. Ito ang dahilan kung bakit ito tinaguriang bibliya ng mga guro. Ang pagtuturo ay isang napakagandang propesyon, dahil naibabahagi mo ang iyong kaalaman sa mga batang nangangailangan nito. Ikaw, nais mo rin bang maging guro?

Walang komento: